Isang araw ay nagbakasyon ang magkapatid na Johnny at Sally sa bahay ng kanilang lola. Excited na excited si Johnny na makapamasyal sa kakahuyan malapit sa likod bahay. Sa wakas ay magagamit na din niya ang paborito niyang laruan, ang tirador na gawa mismo ng kanyang ama.
“Lola, pupunta lang po ako sa may kakahuyan. Babalik din po ako agad.”
Nang marating ang kakahuyan ay nagsimulang maghanap ng ibon si Johnny. Tuwang-tuwa siya ng makita niya ang napakaraming ibon na namamahinga sa mga sanga ng puno. Inilabas ni Johnny angkanyang tirador. Kumuha siya ng maliit na bato na siyang ibinala niya sa kanyang laruan. Pinuntirya ni Johnny ang isang ibon sa sanga. Huminga siya ng malalim at pinakawalan ang binanat na goma ng tirador. Dumerecho ang bato sa katawan ng puno at agad na nakaalpas ang ibon.
“Sayang! Hindi ko tinamaan.”
Hindi sumuko si Johnny. Sinubukan niya muling puntiryahin ang isa pang ibon. Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay hindi na naman niya ito tinamaan. Umulit pa si Johnny ng maraming beses subalit inabutan na siya ng dilim ay hindi pa rin siya nakakatama ng kahit na isa.
Dahil dito ay bumalik na lamang si Johnny sa bahay ng kanyang lola. Sa kanyang pagmamasid ay may nakita siyang isang pato na gumagala sa bakuran ng kanyang lola.
“Wow! Pato! Sisiw lang sa kin to. Yari ka sa kin! Bullseye kang pato ka!”
Muli ay inilabas ni Johnny ang kayang tirador. Kumuha siya ng maliit na bato at pinuntirya ang pato. Sa pagkakataong ito ay buo na ang loob ni Johnny na matatamaan na niya ang pinupuntirya niya. Huminga siya ng malalim at pinakawalan ang banat na goma.
Ispluk!
Sapul ang ulo ng pato.
Sa umpisa ay napatalon pa si Johnny nang matamaan niya ang pato. Subalit ng bumulagta ang pato ay bigla na lamang siyang kinabahan. Agad na nilapitan ni Johnny ang naghihingalong pato. Makalipas ang ilang minuto ay tuluyan nang nalagutan ng hininga ang kawawang ibon. Dali-daling kinuha ni Johnny ang pato at itinago sa may kakahuyan.
“Hala, Johnny! Lagot ka kay Lola! Pinatay mo yung pato niya!” malakas na hiyaw ni Sally na nasa may likuran lang pala ni Johnny nang mangyari ang insidente.
“Huwag kang maingay Ate, hindi ko naman sinasadya. Gusto ko lang talagang gamitin ang tirador ko. Huwag mo kong isusumbong kay Lola, please.”
“Naku Johnny. Napakahirap naman ng ipinapagawa mo sa akin.
Gusto mo pa akong magsinungaling? Pero sige. Pag-iisipan ko. Teka lang.”
Matapos makapag-isip ni Sally ay nakipagkasundo siya kay Johnny.
“OK. Hindi kita isusumbong kay Lola na napatay mo ang pato niya sa isang kondisyon. Magiging alila kita habang nagbabakasyon tayo dito sa bahay ni lola. Gagawin mo lahat ng ipag-uutos ko. Ibibigay mo ang lahat ng gusto ko. Kung hindi ay tiyak na kakarating kay Lola ang nangyari. Malinaw ba?”
Para hindi mapahamak ay pumayag na rin si Johnny sa kagustuhan ng kanyang ate.
“OK, Ate. Simula ngayon ay alila mo na ako!”
Maya-maya pa ay tinawag na sila ng kanilang lola.
“Sally, Johnny, mga apo, pumasok na kayo dito at maghahapunan na tayo.”
Sa hapag-kainan ay tahimik at tila hindi makabasag pinggan si Johnny. Alam niya na may nagawa siyang isang malaking kasalanan. Nakangiti namang nakatitig sa kanya ang kanyang Ate Sally. Mga titig na tila nangungutya dahil alam niya ang sikreto ni Johnny.
“Johnny. Mukhang wala ka yatang ganang kumain. May sakit ka ba apo ko?”
“Wala po lola, medyo busog pa po kasi ako.” Sagot ni Johnny.
“Busog? E wala ka namang kinain kanina.” sabi ni Sally.
“O sige Johnny, kung tapos ka nang kumain ay magpahinga ka na muna sa sala at kami na ang bahala ni Sally sa mga pinagkainan. Sally, tulungan mo akong magligpit at maghugas ng mga pinggan, ha?!”
“Naku, lola, sabi ni Johnny sa akin kanina na gusto daw po niyang tumulong sa inyo sa kusina. Siya na po ang maghuhugas ng mga pato, este plato. Di ba Johnny? tanong ni Sally kay Johnny habang nandidilat ang mga mata.
“A, opo, Lola. Ako na po ang bahala sa mga pinagkainan.
Magpahinga na po muna kayo ni Ate sa Sally sa sala.”
At habang inililigpit ni Johnny ang mga plato ay binulungan siya ni Sally.
“Tandaan mo, Johnny yung usapan natin. Mamimili ka lang. Plato o pato? Sige, maghugas ka na ng pinggan at manonood lang ako ng tv sa sala.”
Kinabukasan ay maagang gumising sina Johnny at Sally. Mamangka kasi sila at mamimingwit ng isda kasama naman ang kanilang lolo. Nang papaalis na ay bigla silang pinigilan ng kanilang lola.
“Sally, tulungan mo muna ako maghanda ng pananghalian natin. Susunod na lang tayo mamaya sa ilog.”
Nang marinig ang pakiusap ng kanyang lola ay napangiti si Sally.
“Naku, lola, tamang-tama. Gusto kasi ni Johnny na matutong magluto. Kaya sabi niya na siya na muna ang tutulong sa inyo na maghanda ng pananghalian. Tama ba, Johnny?”
Napakamot na lamang ng ulo si Johnny at sinabi.
“Opo, lola. Ako na po ang magpapaiwan kasama niyo. Hayaan na natin si Ate Sally mauna sa ilog kasama si Lolo.”
Bago umalis ay lumapit si Sally kay Johnny at muling bumulong.
“Johnny,tandaan mo ang pinag-usapan natin. Huwag kang sisira sa usapan kung ayaw mong ma-PALO dahil sa PATO. Tulungan mo si Lola diyan at mamangka na kami ni Lolo. Baboo!”
Lumipas ang mga araw at si Johnny ang gumagawa ng mga nakatokang Gawain para kay Sally. Tuwang-tuwang si Sally habang masamang-masama naman ang loob ni Johnny.
At bago matapos ang pagbabakasyon ay hindi na kinaya ni Johnny ang panggigipit sa kanya ng kanyang Ate Sally. Labis na din siyang nakokonsensya sa kasalanang nagawa niya. Dahil dito ay lakas-loob niyang kinausap ang kanyang lola para humingi ng tawad.
“Lola, may aamin po ako sa inyo. Nuong nakaraang linggo ay tinamaan po ng tirador ko ang ulo ng pato sa bakuran niyo. Namatay po ang pato. Sa sobrang takot ko ay itinago ko ang pato sa may kakahuyan. Patawarin niyo po ako kung nagsinunagaling ako sa inyo.”
Bago pa tumulo ang mga luha ni Johnny ay lumuhod ang kanyang lola para yakapin siya.
“Johnny, apo. Ako rin ay may sasabihin sayo. Nasa may bintana lamang ako ng mangyari ang sinasabi mo. Nakita ko lahat ng nangyari. Nagtataka nga ako kung bakit mo hinayaan ang ate Sally mo na alilain ka dahil dito. Hinihintay lang kita na magsabi sa akin. At ngayong inaamin mo na ang iyong pagkakamali ay pinatatawad ka na ni Lola. Mahal na mahal kita, apo ko.”
Matapos nito ay binigyan si Johhny ng kanyang lola ng maliit na bibe.
“Johnny. Tanggapin mo ito. Anak ito ng pato na tinirador mo. Alagaan mo at huwag ka na muling maninirador ng hayop.”
Inalagaan at pinalaki ni Johnny ang bibe na ibinigay sa kanya ng kanyang lola. At simula nuon ay hindi na muling ginamit pa ni Johnny ang kanyang tirador.
photo credits www.pipoyjohn.com
Madalas, kapag nakakagawa tayo ng kasalanan ay agad tayong pinupukol ng pangungutya at pang-aalispusta ng kaaway. May mga boses na pauli-ulit na inuungkat ang iyong nakaraan. Tandaan mo na may Diyos na nakakakita ng lahat. Naruon siya sa may bintana ng langit at sinusubaybayan ang mga kilos mo. At gusto Niyang malaman mo na mahal ka Niya at lagi Siyang handang magpatawad. Huwag mong hayaan na alilain ka ng kaaway. Aminin ang kasalanan, itama ang pagkakamali at tanggapin ang kalayaan ng pagpapatawad ng Panginoon.
Repost. Tambalan 90.7
No comments:
Post a Comment